Traysikel

Araw-araw dumaraan ako sa paradahan ng traysikel mo. Kapag nagkataong andun ka, ako’y iyong kinakawayan. Minsan kapag andun ka at napasakay ako sa ibang drayber, naririnig kitang nagsasabi sa drayber, “Uy, ingatan mo ‘yan ha?” Minsan may sundot ka pang, “Mamahalin ko pa ‘yan eh.” Nangingiti lang ako, s’yempre mahirap namang seryosohin. Mukha ka na kasing may-asawa eh, paumanhin. Minsan lang talaga ako napapaisip: kapag nakikita kitang titig na titig sa akin, na parang nagugulumihanan ka sa hitsura ko. Siguro dahil nakawilihan ko na namang mag-pink lipstick.

Pero kapag ikaw ang drayber na nasasakyan ko, medyo nahihiya ako. Kasi ang lapit-lapit mo e. Kitang-kita mo ang balat ko, ang pulbos sa mukha ko, ang kintab ng spray net. Malamang naaamoy mo rin ang baby cologne ko. ‘Tsaka mas nakakapaso ang iyong tingin ‘pag malapitan. Gusto kong lumubog sa upuan kapag nararamdaman kong sinusulyapan mo ang aking paa at binti.

Pagdating sa kurbada ng daan parang sinasadya mong tulinan ang takbo ng traysikel, para siguro mabigla ako at impit na mapatili. At lihim kang mapangiti. Buti na lang lagi akong nakahawak sa bakal malapit sa lalagyan mo ng mga baryang pansukli at sa babalang “Feet off please.”

Isang araw, habang nakasakay ako sa traysikel mo, napasulyap ako sa paa ko: shucks, nakalimutan kong mag-ahit. Hindi ko alam kung napansin mo pero tuluyan na akong nawalan ng pag-asa…

“Oo nga pala, ang sumpa.”

Videoke

Marami-rami na ring beer ang ating nakonsumo. “‘Cus I’hhhm youuur laaaaaaaadyyyyyyyyy…,” tili ni ate singer sa videoke. Grabe, may tama na ako, nangingiti na ako sa kanta ni Celine Dion. Parang pakiramdam ko talaga I’m your lady, and you are my man — ikaw, na namumungay ang mata, namumula ang pisngi, noo, at tenga, at manaka-nakang ngumingiti sa akin.

Samantalang kanina tinatanaw lang kita sa kabilang mesa. Ngayon, nakapatong na ang kamay mo sa hita ko, marahang hinihilot ito. Bahagya kong nalalanghap ang samyo ng iyong katawan – mainit, matapang, matamis. Pati ang iyong hininga, pinaghalong tamis ng beer at pait ng yosi sa aking pang-amoy.

Busy na rin ang mga friends ko at mga friends mo kakatawa, kakakulitan, at kakalandian. Sila man ay pares-pares na rin gaya nating dalawa. Natatawa ako pero oo, panay ang tapon namin ng malalandi at malalagkit na tingin sa direksyon n’yo kanina kaya lumapit kayo sa table namin. Alam naman nating walang patutunguhang pangmatagalan ang ganito pero ewan ko ba, ‘pag tinitingnan ko ang mga kaibigan mo at pinakikinggan ko ang mga kwento nila, para bang antagal ko na silang kilala. Para bang magiging kaibigan ko sila habang-buhay, mapupuntahan ‘pag may problema, mabubulabog kapag may piyesta o kaarawan, ganun. At kapag nasusulyapan kitang nakangiti sa akin ng pagkatamis-tamis, para bang gusto ko na uling maniwala—shit, may tama na ako.

Maya-maya nagkayayaan nang umuwi. Mag-aalas-tres pa lang ng madaling-araw kaya naisipan nating humigop muna ng mainit na sabaw. “Tara sa’min,” sabi mo. Pinaarangkada mo ang makina ng iyong motorsiklo kaya’t kagyat akong napaangkas sa likod mo. Kanya-kanya na ring arangkada ng motor ang mga kaibigan mo, angkas ang mga kaibigan ko. Yapos kita nang humarurot tayo sa halumigmig ng lansangan.

Bulalakaw

Madaling-araw, kakatwang gising na si Joaquin at matamang nakatunghay sa madilim-dilim pang panginorin, malayo ang tingin, mistulang may inaantabayanan. Nakatukod ang mga siko sa pasamano, si Joaquin ay nababagabag sa maaaring maging resulta ng nakaraang pagsusulit sa eskwela. Hindi n’ya alam kung kakayanin n’yang lumagpak sa mga asignatura ngayong semestre, at kung kakayanin n’yang aminin sa mga magulang n’ya ang posibilidad na ma-kick-out s’ya sa pamantasan. Mamayang tanghali’y maglalabas na ng resulta ang kolehiyo, at ito na lang ang naiisip n’yang remedyo: ang maghintay sa paglitaw ng bulalakaw para s’ya’y makausal ng taimtim na hiling: Lord, sana po naipasa ko ang lahat ng eksamen ngayong semestre. Alas-tres pa lang ng umaga, oras ng diyablo, tatlong oras bago magbukang-liwayway – “Please, bulalakaw, magpakita ka na, kahit isa lang, please…”

Hindi naniniwala si Joaquin sa kasabihan ng mga matatanda, maliban sa mga pamahiing may kinalaman sa kanyang mga magulang, gaya ng sabi nila’y masama raw magputol ng kuko sa gabi sapagkat ito’y unti-unting magpapahirap sa kalooban ng kanyang mga magulang. Hindi raw sila makakatulog hanggang sa humantong ito sa kanilang kamatayan. Takot si Joaquin sa pamahiing ito kaya’t hindi pa s’ya nagputol ng kuko pagkalubog ng araw. Pero ngayon, kahit hindi s’ya naniniwala sa mga pamahiin ay heto’t naghihintay s’ya, umaasa sa isang bulalakaw na hindi n’ya alam kung darating, kahit ang pag-asa mismo’y unti-unti nang humuhulagpos mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kanyang puso. Ang umasa sa isang bagay na walang katiyakan, na malabong mangyari, ay walang pinagkaiba sa pagtanaw sa kalayuan na tila may inaapuhap na anyo gayong wala naman talagang naaaninag kundi ang dibuho ng sariling kahangalan. Hungkag na pagtanaw sa kawalan, ‘yan ang unti-unting namamayani sa isipan ni Joaquin habang lumilipas ang mga sandali na walang nangyayari sa himpapawid.

Pero may biglang kumislap sa langit. Mabilis, gumuguhit, patusok ang landas patungong hilaga: bulalakaw! Dahil sa gulat ay hindi kaagad-agad nakausal ng hiling si Joaquin, at nang bumalik s’ya sa ulirat ay ganap nang naglaho ang bulalakaw. Sabi nila’y kailangan mo raw masabi ang buong kahilingan bago tuluyang mawala ang bulalakaw. “D’yos ko, sana’y tanggapin n’yo pa rin ang hiling ko kahit medyo late.” Napahinga ng malalim si Joaquin, bago nagpasyang muling matulog.

Alas-otso ng umaga, tumambad sa telebisyon ang balita na may bumagsak na meteorite sa karatig-bayan. Napalingon si Joaquin sa direksyon ng kanyang ina, na nakagawian nang manuod ng balita sa umaga, patda at maang. Ipinapakita sa telebisyon ang footage ng umaasong malaking tipak ng bato na nasa gitna ng parang, at ilang usyusero sa gilid na kumakaway sa camera. Wika ng tagapagbalita, tinatayang humigit-kumulang limang oras na ang nakararaan simula ng bumagsak ang malaking bato sa lupa, pero mukhang mainit-init pa rin ito hanggang sa kasalukuyan. “Ang bulalakaw ko!,” bulalas ni Joaquin, sapo ang kanyang dibdib.

Alas-dose ng tanghali, lumabas ang listahan ng marka para sa mga pagsusulit ng nakaraang semestre. Matataas ang mga nakuhang grado ni Joaquin ayon sa tala, at nahigitan pa n’ya ang ilan n’yang mga kamag-aaral na madalas bida sa klase. Napapailing si Joaquin habang sinusuyod ng tingin ang mahabang papel na nakapaskil sa dingding ng kanilang silid-aralan. Napatingala na lang s’ya at pikit-matang napa-thank you sa lahat ng diyos-diyosang kilala n’ya, pati kay Minervang naturingang diyosa ng kaalaman. Halos wala sa sarili, nilakad n’ya ang pasilyo palabas ng unibersidad. Napasakay s’ya ng bus ng hindi n’ya namamalayan. Destinasyon: Parang, Marikina.

Sa huling himpilan ng bus, tumambad kay Joaquin ang higanteng tipak ng bato. Mistulang nabato-balani, dahan-dahang bumaba si Joaquin ng bus na hindi hinihiwalayan ng tingin ang meteorite. Kasabay ng ibang pasahero, dinala si Joaquin ng kanyang mga paa sa sentro ng komosyon. Mukhang mainit-init pa rin ang bato dahil patuloy pa rin itong umaaso kahit pasado alas-tres na ng hapon. Habang lumalapit ay unti-unting dumadampi sa balat ni Joaquin ang mainit na singaw na nagmumula rito. Patuloy s’yang humahakbang hanggang tanging ang dilaw na tape na nagsasabing “POLICE LINE DO NOT CROSS” na lamang ang humahadlang sa kanya para tuluyang makalapit sa bato.

Mainit, pero hindi masakit sa pakiramdam, ang singaw ng bato; parang init na nagmumula sa noo ng sinisinat na bata. Parang init ng tubig na maghapong naimbak sa termos; halos maligamgam, mainam na pangunang buhos kapag maginaw ang pangligong-tubig sa umaga. Ipinikit ni Joaquin ang kanyang mga mata at hinayaang tanging ang balat n’ya ang dumanas ng singaw mula sa bato, na marahang humahalo sa sikat ng araw ng hapong ‘yun. May banayad na simoy ng hangin na nagpapaindayog sa singaw ng bato habang hinahaplos nito ang balat ni Joaquin. Dama n’ya, sumasanib ang bato sa kanyang katawan, pinupuno ang kanyang kaibuturan.

Nang mga sandaling iyon, sa katiwasayan ng parang kung saan bahagyang sumisimoy ang hangin, habang tirik pa rin ang sikat ng araw, naramdaman ni Joaquin na s’ya at ang bato ay iisa. Sa presensya ng mangilan-ngilang usyusero, ang kanyang kamalayan at ang diwa ng bato ay tila pinag-iisang-dibdib. Dama n’ya’y s’ya’y naging bahagi ng uniberso, at ang yugtong ito’y hindi na kaylanman magbabago o ‘di kaya’y malilimutan pa.

Alas-sais ng gabi, umuwi si Joaquin, nagniningas ang mga mata sa talukbong ng takip-silim.

Ikot

“Bayad po.”

OHMYGOSH, SI KUYANG DRIVER NAKA-HOOK-UP KO MORE THAN 10 YEARS AGO, DITO SA JEEP NA ‘TO! D’YAN, SA PASSENGER SEAT NA ‘YAN!!

“Sukli ng sampu.”

Medyo nanginig ang balikat ni Genie pag-abot n’ya ng sukli. Paano’y panandaliang lumapat ang daliri ni kuya sa palad n’ya. OHGOSH.

Pero si manong tsuper, maang. Resting bitch face. O resting tired face. O resting, jaded face? Hindi na n’ya alam. Ang alam lang n’ya, bumubuhos ang mga alaala, rumaragasa at winawasak ang hymen ng kasalukuyan n’yang katauhan. Menor de edad pa s’ya noon, hindi mapakali pagsapit ng gabi, mga paa’y kating-kating suyurin ang mga lansangan.

Isang gabing tuyo ang lupa pero nadiligan na ng alak ang lalamunan ni Genie, walang humpay nilang binabagtas ng slight BFF n’ya noon (itago na lang natin s’ya sa pangalang “Kendra”) ang landas ng Kapusukan. Naisipan nilang mag-videoke, as always. Dun nila nakilala si kuya at isa pa n’yang kaibigan. OHMYGOD, HINDI KO S’YA NAKA-HOOK-UP. SI KENDRA ANG NAKA-HOOK-UP N’YA! ‘YUNG KASAMA NI KUYA NUN, S’YA ‘YUNG NAKA-HOOK-UP KO!

Pagkatapos ng mga pangyayaring dapat mangyari, nagbanlaw sila ng Red Horse sa loob ng jeep ni kuya – dito, dito sa jeep na ito mismo. Medyo lumamlam na ang alaala, pero alam n’ya na matagal-tagal din silang nagkwentuhan: tungkol sa buhay, tungkol sa pulitika, tungkol sa kaputahan.

“Lumilitaw na ang mga taon sa hitsura n’ya…”

Sa malamlam na ilaw ng munting bumbilya sa loob ng jeep, naalala ni Genie ang mga panahong lumipas, araw-araw na dinanas sa pagpupunyagi na punan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Isang gabi sampung taon na ang nakalilipas, walang ganoong iniisip. Walang ganoong realisasyon.

Actually, higit na sa sampung taon ang nakalipas, at mga 2-3 beses nang nasakyan ni Genie si kuya. I MEAN ‘YUNG JEEP, 2-3 BESES KO NANG NASAKYAN ‘YUNG JEEP NI KUYA BAGO PA TODAY. Pero ngayon lang n’ya s’ya hindi namukhaan.

LDR

Isang araw, si Julieta Kabanata ay nakatanggap ng liham mula sa kanyang nobyong dayuhan na naninirahan sa Inglatera. Ganito ang nakasaad sa sulat:

Ika-2 ng Nobyembre, 2014

Mahal kong Huling,

Sorpresa! Natuto akong magsalita ng Filipino ayon sa pangako ko sa ‘yo! Hindi ka makapaniwala, ano? Kasi tatlong buwan pa lang tayong magkakilala at alam mong hindi ako magaling sa  lenggwahe (Muh-hal kee-tuh!). Pero nagawa ko, OO, alang-alang sa pag-ibig ko sa ‘yo… Mahal kita, tsup-tsup.

DYOK LAANG. Pinasalin ko ito sa kaopisina kong Pinay. Sabi ko, gamitan n’ya ng matatalinhagang salita, at para mas kamangha-mangha ay haluan n’ya ng diyalekto. O ‘DI BA? ‘DI BA?? AKO ANG PINAKADAKILANG NOBYO SA BUONG MUNDO??!😛

Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan sa pagsapit sa ‘yo ng liham kong ito. Alam kong bihira na lang ang nagpapadala ng liham sa panahon ng internet, pero ginawa ko pa rin dahil matamis ako at matamis ang pagmamahal ko sa ‘yo. Ikaw kasi ay pulot na napakatamis at napakasarap para sa aking panlasa, kaya’t ibinabalik ko lang ang pabor.:)

Pagpasensyahan mo na ang aking mapaglarong kagaguhan. Alam kong lihim kang napapangiti sa aking pagbabata-bataan. Nawa’y masimulan mo nang asikasuhin ang iyong visa para tayo’y tuluyan nang makapagniig.😉

O s’ya, hanggang dito na laang. Maraming salamat sa iyong inilaang panahon para basahin ang aking liham. Huwag kalilimutan: ikaw ang aking D’yosa at inspirasyon! Ikaw ang aking dahilan para mabuhay. Ahhhhhhhhhh diabetes! Hehe.

P.S. Hanggang mamayang gabi sa muling pagkikita natin sa Skype. Nawa’y makisama ang iyong internet.

Buong pusong nagmamahal,

Shane

Kumutitap ang mga mata ni Julieta at s’ya’y napatingin sa durungawan. Haay, minsan talaga’y hindi n’ya alam kung paano tatapatan ang mga hirit ni Shane – ang Shane Malik ng kanyang buhay…

“Okay, humanda ka. Padadalhan kita ng telegrama! Mwahahahaha!” Umalingawngaw ang malutong na halakhak sa kanyang isipan.

Mang Inasal

Habang nakapangalumbabang hinihintay ang aking pork barbecue (“Waiting for 14 minutes po?””Okay.”) sa isang mesa sa Mang Inasal Philcoa, wala akong ibang magawa kundi masdan ang mga tindang blusa sa tyangge sa harap. Maluluwag ‘yung mga blusa, iba-ibang kulay, iba-ibang disenyo. Naisip ko, anlakas maka-#TitasofManila nito haha. At bigla kong na-realize – Oh my God, puwede na akong magsuot ng ganitong damit! Isa na akong Tita! (Dati, madalas akong matawag na “Tita” sa kalsada ng mga ‘di ko kaanu-ano.) Isa na akong… matanda. Ang landas ko ay patungo na sa takipsilim ng aking buhay. Mamamatay akong walang nakakaalam, sa isang maliit at masukal na tirahan, nakasuot ng blusang kupas.

Sa edad na 31, heto ako, alas-syete ng gabi, katatapos lang ng ulan, naghihintay ng fast food barbecue para sa aking hapunan. Isang kabalintunaan ang katotohanan sa ‘Pinas na, madalas, hindi kamurahan ang fast food. Pero pakiramdam ko, aping-api ako sa hapunan kong barbecue, kanin, at Coke. Pakiramdam ko, tanda ito ng kabiguan. Dapat naghahapunan ako sa isang maayos na tahanan, kung saan masaya, mainit ang pagtanggap, maliwanag, maganda ang mantel sa hapag-kainan; kung saan ako’y naghihintay ng paghahain ng sariwa, masustansya, at kaluluto lang na pagkain.

At mula rito ay na-realize ko ang maraming problema ng mundo. Nakita ko ang mga nagtitinda ng blusa – magkano lang kaya ang kinikita nila sa maghapong pag-aalok ng mga blusa sa mga dumadaan? Ilang fast food meals kaya ang puwede nilang ma-afford, gustuhin man nilang kumain sa fast food? Nakakalungkot na kahit ang fast food ay parang luxury restaurant na ang dating sa mga tunay na nagdarahop. Naisip ko kung ilang milyong Pilipino ang nabubuhay sa kakarampot na kinikita, habang may iilang nakatira sa Forbes Park, sa Corinthian Gardens, patuloy na yumayaman sa corporate world. Naisip ko ang malaking kawalan ng hustisya sa mundong ito, na pare-parehong tao pero marami ang hindi man lang makalalasap mabuhay ng ayon sa kanilang gusto, dahil kahit ‘yung mga pangunahing pangangailangan sa buhay ay hindi pa nila agad-agad maitawid.

Tuluyan na akong lumubog sa kalungkutan. Dumating ang pork barbecue – malinamnam, pero parang mas na-precook kaysa naihaw. Nagpantasya akong suot ang isa sa mga blusa sa labas – maluwag, manipis – at nakita ko ang sarili kong fresh, kahali-halina, may ngiti ng kamusmusan.