Bulalakaw

Madaling-araw, kakatwang gising na si Joaquin at matamang nakatunghay sa madilim-dilim pang panginorin, malayo ang tingin, mistulang may inaantabayanan. Nakatukod ang mga siko sa pasamano, si Joaquin ay nababagabag sa maaaring maging resulta ng nakaraang pagsusulit sa eskwela. Hindi n’ya alam kung kakayanin n’yang lumagpak sa mga asignatura ngayong semestre, at kung kakayanin n’yang aminin sa mga magulang n’ya ang posibilidad na ma-kick-out s’ya sa pamantasan. Mamayang tanghali’y maglalabas na ng resulta ang kolehiyo, at ito na lang ang naiisip n’yang remedyo: ang maghintay sa paglitaw ng bulalakaw para s’ya’y makausal ng taimtim na hiling: Lord, sana po naipasa ko ang lahat ng eksamen ngayong semestre. Alas-tres pa lang ng umaga, oras ng diyablo, tatlong oras bago magbukang-liwayway – “Please, bulalakaw, magpakita ka na, kahit isa lang, please…”

Hindi naniniwala si Joaquin sa kasabihan ng mga matatanda, maliban sa mga pamahiing may kinalaman sa kanyang mga magulang, gaya ng sabi nila’y masama raw magputol ng kuko sa gabi sapagkat ito’y unti-unting magpapahirap sa kalooban ng kanyang mga magulang. Hindi raw sila makakatulog hanggang sa humantong ito sa kanilang kamatayan. Takot si Joaquin sa pamahiing ito kaya’t hindi pa s’ya nagputol ng kuko pagkalubog ng araw. Pero ngayon, kahit hindi s’ya naniniwala sa mga pamahiin ay heto’t naghihintay s’ya, umaasa sa isang bulalakaw na hindi n’ya alam kung darating, kahit ang pag-asa mismo’y unti-unti nang humuhulagpos mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kanyang puso. Ang umasa sa isang bagay na walang katiyakan, na malabong mangyari, ay walang pinagkaiba sa pagtanaw sa kalayuan na tila may inaapuhap na anyo gayong wala naman talagang naaaninag kundi ang dibuho ng sariling kahangalan. Hungkag na pagtanaw sa kawalan, ‘yan ang unti-unting namamayani sa isipan ni Joaquin habang lumilipas ang mga sandali na walang nangyayari sa himpapawid.

Pero may biglang kumislap sa langit. Mabilis, gumuguhit, patusok ang landas patungong hilaga: bulalakaw! Dahil sa gulat ay hindi kaagad-agad nakausal ng hiling si Joaquin, at nang bumalik s’ya sa ulirat ay ganap nang naglaho ang bulalakaw. Sabi nila’y kailangan mo raw masabi ang buong kahilingan bago tuluyang mawala ang bulalakaw. “D’yos ko, sana’y tanggapin n’yo pa rin ang hiling ko kahit medyo late.” Napahinga ng malalim si Joaquin, bago nagpasyang muling matulog.

Alas-otso ng umaga, tumambad sa telebisyon ang balita na may bumagsak na meteorite sa karatig-bayan. Napalingon si Joaquin sa direksyon ng kanyang ina, na nakagawian nang manuod ng balita sa umaga, patda at maang. Ipinapakita sa telebisyon ang footage ng umaasong malaking tipak ng bato na nasa gitna ng parang, at ilang usyusero sa gilid na kumakaway sa camera. Wika ng tagapagbalita, tinatayang humigit-kumulang limang oras na ang nakararaan simula ng bumagsak ang malaking bato sa lupa, pero mukhang mainit-init pa rin ito hanggang sa kasalukuyan. “Ang bulalakaw ko!,” bulalas ni Joaquin, sapo ang kanyang dibdib.

Alas-dose ng tanghali, lumabas ang listahan ng marka para sa mga pagsusulit ng nakaraang semestre. Matataas ang mga nakuhang grado ni Joaquin ayon sa tala, at nahigitan pa n’ya ang ilan n’yang mga kamag-aaral na madalas bida sa klase. Napapailing si Joaquin habang sinusuyod ng tingin ang mahabang papel na nakapaskil sa dingding ng kanilang silid-aralan. Napatingala na lang s’ya at pikit-matang napa-thank you sa lahat ng diyos-diyosang kilala n’ya, pati kay Minervang naturingang diyosa ng kaalaman. Halos wala sa sarili, nilakad n’ya ang pasilyo palabas ng unibersidad. Napasakay s’ya ng bus ng hindi n’ya namamalayan. Destinasyon: Parang, Marikina.

Sa huling himpilan ng bus, tumambad kay Joaquin ang higanteng tipak ng bato. Mistulang nabato-balani, dahan-dahang bumaba si Joaquin ng bus na hindi hinihiwalayan ng tingin ang meteorite. Kasabay ng ibang pasahero, dinala si Joaquin ng kanyang mga paa sa sentro ng komosyon. Mukhang mainit-init pa rin ang bato dahil patuloy pa rin itong umaaso kahit pasado alas-tres na ng hapon. Habang lumalapit ay unti-unting dumadampi sa balat ni Joaquin ang mainit na singaw na nagmumula rito. Patuloy s’yang humahakbang hanggang tanging ang dilaw na tape na nagsasabing “POLICE LINE DO NOT CROSS” na lamang ang humahadlang sa kanya para tuluyang makalapit sa bato.

Mainit, pero hindi masakit sa pakiramdam, ang singaw ng bato; parang init na nagmumula sa noo ng sinisinat na bata. Parang init ng tubig na maghapong naimbak sa termos; halos maligamgam, mainam na pangunang buhos kapag maginaw ang pangligong-tubig sa umaga. Ipinikit ni Joaquin ang kanyang mga mata at hinayaang tanging ang balat n’ya ang dumanas ng singaw mula sa bato, na marahang humahalo sa sikat ng araw ng hapong ‘yun. May banayad na simoy ng hangin na nagpapaindayog sa singaw ng bato habang hinahaplos nito ang balat ni Joaquin. Dama n’ya, sumasanib ang bato sa kanyang katawan, pinupuno ang kanyang kaibuturan.

Nang mga sandaling iyon, sa katiwasayan ng parang kung saan bahagyang sumisimoy ang hangin, habang tirik pa rin ang sikat ng araw, naramdaman ni Joaquin na s’ya at ang bato ay iisa. Sa presensya ng mangilan-ngilang usyusero, ang kanyang kamalayan at ang diwa ng bato ay tila pinag-iisang-dibdib. Dama n’ya’y s’ya’y naging bahagi ng uniberso, at ang yugtong ito’y hindi na kaylanman magbabago o ‘di kaya’y malilimutan pa.

Alas-sais ng gabi, umuwi si Joaquin, nagniningas ang mga mata sa talukbong ng takip-silim.